top of page

Lakbay Diwa

  • ni Manuel R. Capistrano
  • Oct 2, 2015
  • 12 min read


Mula sa tuktok ng bundok ng Dolores ay makikita ang kalawakang abot ng walang kapantay na kagandahan ng kalikasan. Sariwa ang hangin at para sa kahit na sinong nakakarating dito ay tila ba isa itong karanasang pansamantalang nakakaalis ng mga negatibong isipin sa buhay.

Malapit nang matapos ang buwan ng nobyembre at ang lahat ay kasalukuyang nagsasaya.

Maliban kay Andy..

Dalawang taon na ang nakalilipas mula nang mamatay ang kanyang Ina. Ni wala man lang sya sa tabi nito bago ito namatay.

Nakatayo sya sa gilid ng bangin at nagmumuni-muni.

Bakas sa mukha ang kalungkutan..

"Siguro mas makakabuti pang tapusin ko na lang ito dito" Wika nya sa sarili habang tinitignan ang lalim ng bangin na di gaanong makita sa kapal ng hamog na namamagitan sa kanya at kanyang babagsakan sakaling siya ay tumalon.

"Tama. Pagod na rin lang ako.."

Tatalon na lang sana si Andy nang biglang..

*TAK!!*

May bumato sa ulo niya ng lata ng soda!

Nagbigay ito ng panandaliang pakiramdam ng pinaghalong sakit at kati sa parte ng ulo niya na tinamaan kung kayat napahawak sya dito. Lumingon sya sa kanyang likuran na may pagkainis sa anyo ng mukha upang hanapin kung sino ang bumato kasabay ng pagdampot sa lata, akmang gagantihan nya din ito.

"Ay! Carl! Bad yun! Ayoko ng ganyan ha! Magsorry ka dun sa mama!" Pagsuway ng isang babae sa isang bata habang papalapit sa direksyon ni Andy.

Sa tantya ni Andy, ang babae ay di hihigit sa edad na 25. May taas siguro na 5'5 o 5'6. Kaswal ang pananamit nito at may magandang hubog ng katawan at tindig na karaniwan sa mga ramp model. Naisip nyang anak siguro nito ang kasamang bata. Pero may isang bagay na labis na nakapukaw ng kanyang atensyon..

Ang napakaamong nitong mukha..

"Carl! Magsorry ka!" Utos ng babae.

"Ayoko!" Pagmamaktol na sagot ng bata.

"Inatake ka na naman ng toyo mong bata ka! Mag-uusap tayo mamaya pagkauwi natin sa bahay!"

"Naku! Pasensya ka na ha. Ganito kasi itong anak ko pag tinotopak dahil di napagbigyan. Kahit ano na lang ang maisipang gawin. Gusto kasing humiwalay sa akin. Eh natatakot naman ako, mamaya kung ano ang gawin o kaya kung saan pumunta o mahulog. Pasensya ka na talaga." Paumanhin ng babae na may halong pagsusumamo sa tono ng pananalita.

Natulala si Andy.

Parang walang narinig.

Di nya alam kung paano sya magsisimula o kung ano ang dapat na itugon sa sinabi ng babae. Di nya maintindihan ang kanyang pakiramdam at dapat na maging reaksyon na para bang di malaman kung maiinis ba sya o magagandahan.Saglit na nawala sa kanyang isipan ang binabalak.

"Wuy! Natigilan ka na dyan. Okay ka lang? Pasensya ka na talaga." Pagbasag ng babae sa katahimikan.

"Uhh.. H-Hi. Umm.. Okay lang yun.. Bata eh." Mahinang tugon ni Andy sabay tago ng hawak na lata sa likod at pasimple itong itinapon sa bangin.

"Hmm.. Teka. Alam ko na. Hayaan mo na lang akong makabawi. Tutal di pa naman kami nanananghalian, mabuti pa sabayan mo na lang kami. May dala kaming pagkain eh. Baka nagugutom na rin itong anak ko kaya tinotoyo. Tara, dun tayo sa gawi doon, sa may puno." Paanyaya ng babae na sya namang pinaunlakan ni Andy na para bang may kung anong mahikang nagtulak sa kanya at di nya ito nahindian.

Habang naghahanda ng makakain ay nagkausap pa sila ng kaunti kasabay ng pagpapakilala sa isa't-isa.

"Ano nga pala ang pangalan mo?" Tanong ng babae.

"A-Andy" Malamig na tugon naman ni Andy na may pagkailang sa mga nangyayari. Lumaki syang di sanay sa tao at halos umikot lang ang buong buhay nya sa kanyang mga magulang. Lalo na sa kanyang ina kung kaya't di talaga sya sanay makihalubilo sa iba. Napakabihira din nyang lumabas man lang ng bahay kung kaya't wala sya gaanong kaibigan. Sa kanilang tatlong magkakapatid ay si Andy ang bunso. Maagang nagsipag-asawa ang kanyang mga kapatid kaya't sya na lang ang natirang kasama ng kanilang ina sa bahay hanggang sa ito ay mamatay.

"Ako naman si Yvette." Tugon ng babae sabay abot ng kamay. Kinamayan sya ni Andy ngunit nanatiling nyutral ang reaksyon ng mukha.

"Di ka palakwento ano? Haha. Magsalita ka naman. Pansin ko kanina ka pa parang malalim ang iniisip. Di ako naniningil pag nginingitian ako." Natatawang pagbibiro ni Yvette.

"Pasensya ka na. Ang totoo kasi nyan di talaga ako sanay sa ganito.. medyo naiilang lang ako." Sagot naman ni Andy.

"Ah.. alam ko na. Di mo na kailangan magpaliwanag. Marami akong kilalang ganyan."

"Teka, magdasal na nga muna tayo nang tayo'y makakain na at ako'y medyo gutom na rin. Mamaya natin balikan yan. Bigla tuloy akong nahiwagahan ngayon sa iyo." Nakangising tugon ni Yvette na nasundan ng sandaling katahimikan nang magsimula nang magdasal ang mag-ina.

"Dasal... kaytagal ko na rin yang di ginagawa.." wika ni Andy sa sarili habang pinagmamasdan ang mag-ina na nakayuko at taimtim na nagdarasal.

Sa gitna ng kanilang pagdarasal ay biglang nabuhay kay Andy ang isang ala-ala sa kanyang kabataan. Ala-ala noong mga panahon na sama-sama pa silang mag-anak na ginagawa ito bago kumain. Panahon na buo pa ang kanilang pamilya.

"Amen!" Magkasabay na pagtatapos ng mag-ina.

"Pagpasensyahan mo na itong niluto ko ha. Kahit magpanggap ka na lang na nasasarapan habang kumakain." Muling pagbibiro ni Yvette kasabay ng pag-abot kay Andy ng plato. Bagay na nagpangiti naman sa kanya. Lalo pa at kanina lang ay magpapakamatay na sya pero heto sya ngayon at kakain kasabay ng dalawang estranghero. Napailing na lang sya habang nagpipigil ng tawa.

Habang kumakain ay muli silang nagkatanungan tungkol sa mga bagay-bagay sa isa't-isa hanggang sa maungkat ang dahilan ng pagpunta ng mag-ina sa bundok. Death anniversary pala kasi ng kanyang yumaong asawa. Limang taon na rin ang nakararaan mula nang unang pagpunta nila ditong mag-anak. Lumindol ng napakalakas at aksidenteng nahulog sa bangin ang kanyang asawa. Sanggol pa lamang noon si Carl at kalong nya ito nang mawalan sya ng balanse aktong mahuhulog sya sa bangin. Itinulak sya ng kanyang asawa kung kaya't sya ay nakaligtas na sya namang ikinasawi nito. Magmula noon ay naging panata na ng mag-ina ang bumisita dito taon-taon upang gunitain ang kamatayan ng kanyang asawa.

Matagal-tagal din silang nagkausap hanggang sa tuluyan nang magkapalagayan ng loob.Nawala na ang pagkailang ni Andy kung kaya't naibahagi na rin nya ang kwento ng kanyang buhay.

"Minsan din akong nagdaan dyan noon. Nang mamatay ang aking asawa, di naging madali para sa akin ang makapagpatuloy na wala sya. Lalo pa at heto, kailangan ako ng aming bubuwit. Di naman tamang sayangin ko yung sakripisyo nya di ba?"

"Napakasarap mabuhay Andy. Di tayo nawawalan ng dahilan para maging masaya. Hanapin mo lang ang mga bagay kung saan ka magiging kuntento." Pagpapatuloy ni Yvette.

Saglit na natahimik si Andy habang nakikinig. Pakiramdam nya ay nakikipagusap sya sa isang madre. Naging bato na naman siya. Bagay na di nakaligtas sa kausap.

"Wuy! Tulala ka na naman! Ang dami ko nang sinabi eh. Para kang laging nakasigarilyo ng sinunog na ligaw na halaman. Hahaha. Nakikinig ka ba man lang?" Natatawang tanong ni Yvette.

"Opo Sister Yvette." Pabirong sagot ni Andy.

"Aba! Gumaganyan ka na ha! Tse!"

"Hahahaha!" Sabay nilang halakhak.

Matapos mailigpit ang pinagkainan ay saglit pa silang nagkakwentuhan hanggang sa mapagpasyahan na nilang umuwi. Bago magkahiwalay ay nagbigayan muna sila ng cellphone number.

Hatid-tanaw na pinagmasdan ni Andy ang mag-ina habang papalayo ang mga ito.

May kakaiba syang nararamdaman sa pagkikita nilang yun.

Tila pag-asa..

Pag-asa na sya ay muling magiging masaya at tuluyang makakalimot sa nakaraan.

Pakiramdam na malayo ang mararating ng pagkakaibigan nilang ito.

Pagkauwi ni Andy sa bahay ay naligo sya saglit at nagbihis. Naisipan nyang manood ng balita kaya binuksan nya ang tv. Nang matapos ang pinapanood ay may ipinalabas na bagong advertisement ng isang mobile network sa bansa.

Sa simula pa lang nito ay may namuo kaagad na ideya sa kanyang isipan dahil sa mag-ina dito na mga pangunahing karakter at kung saan naka pokus ang kabuuan nito.

"Malayo ang mararating.." Pagtatapos ng advertisement.

Mula sa kama ay tumayo sya at lumapit sa kanyang desktop computer at binuksan ito. Bigla nya kasing naalala, di nga pala nya nahingi ang name o email address man lang ni Yvette sa facebook kung kaya't hinanap nya ito. Mabilis naman nya itong nakita at kaagad syang nagpadala ng friend request kasunod ng pag-iwan nya ng mensahe.

"Hi! Si Andy ito. Pa-add lang po. Salamat."

Matapos nun ay naghintay pa sya ng kaunti. Nagbakasakaling mag-online si Yvtte, ngunit wala. Marahil ay napagod ito at maagang natulog.

Kinaumagahan..

Maagang bumangon si Andy para makapagluto ng almusal.

Habang kumakain ay naisipan nyang tawagan si Yvette..

"Good morning! Tara sabayan nyo akong kumain." Paanyaya ni Andy.

"Sure. Saan? Sakto wala kaming lakad ngayon kaya okay lang."

"I mean nakain ako ngayon. Sabayan nyo ako. Hahaha."

"Ay! Akala ko sa labas. Napeke ako dun ah. Hahaha."

"Hmm... Magandang ideya yan ah. Lumabas na nga lang kaya tayo?" Mungkahi ni Andy.

"Sabi ko na nga kanina eh. Tutal wala naman kaming gagawin. Pero teka, paano tayo magkikita?" Tanong ni Yvette.

"Hmm paano nga ba?"

"Alam ko na.. Kakaunin ko na lang kayo dyan sa inyo. Para sabay na tayo bumiyahe. Okay ba yun? Or kung sa tingin mo, mukha akong myembro ng salisi gang, kahit magkita na lang tayo sa labas. Kaw na ang magdecide." Pabirong suhestiyon ni Andy. Batid nyang kahit komportable na silang magkausap ay di pa rin naman sya ganon kakilala ni Yvette. Kung kaya't naisipan nyang dugtungan ang kanyang mungkahi ng pahabol na biro.

"Magkita na lang siguro tayo sa labas. Baka magnakaw ka dito eh.. joke. hahaha." Ganting biro naman ni Yvette na may kasunod na malakas na paghagikgik.

"Hindi.. ano kasi eh..nandito kasi ang uncle ko. May pagka masungit ito eh.. alam mo na. Sorry."

"Ah. Ok lang yun. Pero saan naman tayo magkikita?"

"Sa Starmall na lang. Sa labas ng Padis Point. Bago magtanghali na lang siguro. Magtetext na lang ako kapag paalis na kami."

"Sige. Hihintayin ko na lang kayo dun. Ingat kayo sa byahe. Bye."

Makalipas ang ilang oras, sa lugar na pinagusapan..

"Andy! Pasensya ka na kung natagalan kami ha. Kanina ka pa ba? Medyo heavy ang traffic sa dinaanan namin eh." Pagpapaliwanag ni Yvette. Magtetext sana si Andy sa mag-ina nang bigla na lamang sumulpot ang mga ito.

Matapos kumain ay napagpasyahan nilang manood ng sine. Maaga pa pagkalabas nila kung kaya't naisipan na rin nilang pumasyal sa Wild Park. Mag-a alas kwatro na ng hapon nang sila ay magpasya nang umuwi at magpaalaman.

"Uhh. Yvette! Saglit!" Pahabol ni Andy nang magsimula nang maglakad palayo ang mag-ina."Hmm?" Pagtatakang tugon ni Yvette.

"Online ka ba madalas sa fb?"

"Di eh. Minsan lang. Nagche-check lang ako ng PMs at news feed update pag nag-online ako. Bakit?"

"Ah. Kaya pala."

"Anong kaya pala?"

"Ini-add kasi kita kagabi. Nagtataka kasi ako di ka nagre-react tungkol dun."

"Ah. 'to naman akala ko kung ano na. Haha. Sige mamaya online ako. Usap tayo."

"Sige. Ingat kayo." Si Andy

"Kaw rin." Sagot ni Yvette kasabay ng isang napakatamis na ngiti.

Ihahatid sana ni Andy ang mag-ina ngunit tumanggi si Yvette dahil nga sa kanyang tiyuhin.

Pagkauwi sa bahay ay agad syang naghanda ng makakain. Habang nasa hapag kainan ay magkasabay niyang ninamnam ang kinakain at ang sariwa pang memorya nila ni Yvette at Carl na magkakasama na parang isang pamilya.

Pagkakain ay agad nyang binuksan ang computer para tignan kung online na si Yvette. Wala pa ito kung kaya't naisipan nyang manood na lang muna ng kung anong mapapanood nya sa youtube.

Ilang sandali lang ay..

"Andy?" Nagpm si Yvette.

"Ayun! Kanina pa kita hinihintay. Akala ko di ka na mag-o online eh" Tugon ni Andy na waring naibsan ang pagaalala.

"Sus. Baka naman abala ka sa pakikipagusap sa mga chicks mo dito at naabala kita sa pag-online ko ha. 'Wag ka na mahiyang magsabi. Haha."

"Gaga. Hindi. Kaw talaga hinihintay ko. Haha. Salamat nga pala at pinaunlakan mo ang paanyaya ko kanina. Nag-enjoy talaga ako."

"Salamat din sa pagsama sa amin ni Carl sa pamamasyal."

"Alam mo sa tingin ko, hahanap-hanapin ko yun sa iyo kapag nawala kayo or kapag naisipan mong lumayo or ayaw mo na akong kausapin." Si Andy na parang biglang lungkot sa dating ng pananalita.

"Bakit ko naman gagawin yun? Yan ka na naman. Drama mo ha. Baka kung ano na naman maisipan mo. Baliw ka talaga. Basta magmula ngayon, ituring mo na akong isa sa mga malalapit mong kaibigan."

"Salamat Yvette."

Nagpatuloy ang mga ganitong eksena sa buhay ng dalawa na sya namang nagpalapit ng husto sa isa't-isa sa paglipas ng tatlong taon.

Araw bago mag pasko..

Sa bahay ni Yvette..

*ding-dong*

"Ay, Carl! Anak pakitignan mo nga kung sino yung nasa pinto at di ko maiiwan tong niluluto ko." Pakisuyo ni Yvette sa bata.

Patakbong tinungo ng bata ang pinto at sinilip kung sino ang nasa labas.

Si Andy!

Kaagad na sinenyasan ni Andy ang bata na wag maingay dahil nais nya sanang sorpresahin ang nanay nito. Bagay na di naman naintindihan ni Carl.

"Mommy si tito Andy po!"

"Patay... tuleg ka talagang bata ka." Pabirong sabi ni Andy kasunod ng pagbuhat kay Carl. Yakap yakap nya itong kiniliti.

Lingid sa kanilang kaalaman ay nakangiting pinapanood sila ni Yvette mula sa kusina.

Nagiisip..

Anumang bagay na naging kulang sa kanya sa pagkawala ng kanyang asawa ay unti unting napunuan ni Andy.

Mahal na nya ito..

"Merry Christmas!! Makikilamon lang. Hehe." Pagbati ni Andy kasunod ng paghalik sa pisngi at pag abot ng regalo.

"Wow! Ang bango naman ng niluluto mo. Ano ito?" Pagpapatuloy ni Andy sabay tungo sa kaserola upang tignan kung ano ang laman nito.

"Di ko alam. Pacham. Alam mo naman tayo eh. Hahaha."

"Ah. Sauce ng spaghetti."

"Hindi. Para sa macaroni yan."

"Pareho na rin yun. May "i" naman pareho sa huli eh.Yaan mo na. Di natin sila bati."

"Haha. Siraulo!" Natatawang sabi ni Yvette.

Pagkalipas lang ng ilang buwan..

"Yvette, matagal na rin mula nang una tayong magkakilala. Di lang kasi ako nagkakaron ng lakas ng loob para sa sabihin ito pero.."

"Yvette.. I love you.."

"Matagal ko na itong nararamdaman. Pero nahihiya lang akong sabihin sa iyo." Pagpapatuloy pa ni Andy.

"Ganon din naman ako eh. Hinihintay ko lang na sabihin mo yan." Tugon ni Yvette na may kagalakan.

Makalipas lang ang isa pang taon ay ikinasal silang dalawa.Nagkaroon pa sila ng isa pang supling sa sumunod pang taon. Tuluyan na ngang nabago ang buhay nilang dalawa sa tulong ng isa't-isa. Para kay Yvette na muling nakahanap ng pupuno sa lahat ng kakulangan na dulot ng pagkawala ng asawa, at kay Andy na sa wakas ay nakahanap ng maituturing na sarili nyang pamilya.

Ngunit sadyang mapaglaro ang kapalaran..

Minsan ay masaya ka at pakiramdam mo ay napaka perpekto ng buhay.

Lahat ng ito ay bigla na lang mawawala sa isang iglap.

Kinailangan ni Yvette na umuwi ng probinsya upang dumalo sa burol ng isang malapit na kaanak na namatay. Kasama nya ang kanilang sanggol at si Carl dahil di ito nagpapaiwan saan man sya magpunta. Di naman nakasama si Andy dahil may kailangan pa syang tapusing trabaho. Habang nasa himpapawid ay nagkaroon ng problema ang isang makina ng eroplanong sinasakyan nila hanggang sa tuluyang tumigil.

Bumagsak ang eroplano sa gilid ng isang bundok..

Walang nakaligtas..

"Yvette!!!!"

Labis itong ikinalungkot ni Andy nang makarating sa kanya ang balita.

Lumipas ang mga araw.. ang pagkawala ng kanyang mag-ina ay unti-unting nagpabago sa kanya.

Pabalik sa dati..

Nanariwa sa kanyang isipan ang kinatatakutan na naibsan nang makilala nya ang kanyang magiina..

Wala na ang dating tanging nagbibigay ng buhay sa kanilang tahanan..

Ang ingay at kakulitan ng batang si Carl na madalas gumigising sa kanilang mag-asawa sa umaga.

Ang mga paglalambing at pag-aasikaso ni Yvette..

Ang mga halakhak.Ang mga halik at yakap na alam nyang kailanma'y di na nya mararamdaman.

Muli nyang binalikan ang tuktok ng bundok kung saan sila nagkakilala.

Ang lugar kung saan nya nakilala ang dalawang taong nagbigay sa kanya ng pag-asa.

Pag-asa na sa isang masamang biro lang ng kapalaran ay biglang nawala.

"Hintayin nyo ako.. Inay.. Yvette.. mga anak ko.. magkakasama na rin tayo!!"

Yun lang at di na nag-aksaya pa ng oras si Andy at tuluyan nang nagpatihulog..

Sa isang ospital sa Quezon City...

May isang matandang babae na ilang taon nang under comatose. Nakaupo sa gilid ng kanyang kama ang isang lalaki na siguro ay nasa edad na di lalampas sa 30. Nakatingin ito sa malayo. Malalim ang iniisip.

"Unghh.." Ungol ng matanda kasabay ng paulit-ulit na marahang pag-galaw ng mga daliri.

Nagkakaroon na ito ng malay!

Tuluyan na nga itong nagising at sa pagmulat ng kanyang mga mata ay nabungaran ang anak.

Bagama't nanghihina, nagawa nyang hawakan ang kamay ng anak na sya namang nakatawag ng pansin nito mula sa malalim na isipin.

"Inay!!! Nagbalik ka na rin sa wakas!"

"A-Andy.. gusto kong mangako ka sa akin.."

"Opo inay kahit ano po.."

"Gusto kong ipangako mo na magmula ngayon, kahit ano pa ang mangyari ay magpapatuloy ka sa buhay. Bumuo ka ng sarili mong pamilya. Mahal kita anak pero di ako habang buhay na nandirito para sa iyo. Likas yan sa buhay na kailangan nating tanggapin. May kanya-kanya tayong panahon."

"Opo inay.. ipinapangako ko po."

Saglit pang nagpatuloy sa pagsasalita ang matanda. Naikwento nya ang kabuuang detalye ng kanyang mga tila napanaginipan tungkol kay Andy habang natutulog sa haba ng panahon na iyon.

Tila isang paglalakbay ng diwa kung saan, nasaksihan nya ang posibleng hinaharap.

Makalipas lang ng isa pang buwan ay nakalabas na ng ospital ang kanyang ina at ang lahat kay Andy ay nagbalik na sa normal.

Minsan, naisipan ni Andy na magpahangin sa Bayside sa Roxas Blvd.

Naupo sya sa isang gilid at pinagmasdan ang dagat..

Magsisindi sana sya ng sigarilyo nang biglang..

*TAK!*

May bumato sa kanyang ulo ng lata ng soda!

"Ay Carl!!! Umandar na naman ang pagka salbahe mong bata ka! Magsorry ka dun sa mama!"

Nakangiting nilingon ni Andy ang direksyon ng dalawa.

At ito na tunay na simula ng isang panibagong yugto sa buhay ni Andy.

Kung minsan, sadyang di patas ang tadhana.

Mawawalan tayo ng isang bagay na napakahalaga sa atin.

Pero sa lakas ng pananalig. haba ng pasensya at lakas ng loob na magpatuloy..

Di magtatagal ay masusuklian din naman ito ng mas higit pa sa nawala.

Ganyan lang naman ang kalakaran sa buhay eh.

Dahil sa mga pagsubok at tagumpay..

Ang buhay.. ay tunay na makulay.

-WAKAS

Ang blog na ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 7​​



 
 
 

コメント


Featured Posts
Recent Posts
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Classic
  • Twitter Classic
  • Google Classic

FOLLOW ME

  • Facebook Classic

© 2015 by Manuel Capistrano. Proudly created with Wix.com

bottom of page