top of page

Langka

  • ni Manuel R. Capistrano
  • Oct 3, 2015
  • 7 min read

Noong ako ay nasa edad na limang taon pa lamang ay madalas akong patulugin ng mga magulang at mga nakakatandang kapatid ko sa tanghali, trenta minutos hanggang isang oras matapos mananghalian para daw lumaki ako ng mabilis. Pagkakagising ko mga bandang alas kwatro, dali dali akong tumatakbo palabas patungo sa bahay ng isa sa mga madalas kong kalaro na tawagin na lang natin sa pangalan na Tatuy. Kada gising ko sa hapon ay para bang unang beses ko lang makakalanghap ng sariwang hangin at makakakita ng ibang tao kaya kahit anong sabihin o kahit ano pang ibilin sa akin ay para bang di ko naririnig. Isang hapon, pagkagising ko ay tagaktak ang aking pawis kung kaya't kinailangan kong maligo at magpalit ng damit. Pagkatapos kong maligo ay patakbo akong lumabas ng bahay upang magtungo sa bahay nila Tatuy. Malapit na ako sa kanilang bahay nang makasalubong ko sya sa daan na may dalang bilao ng pansit. Inutusan daw sya ng kanyang ina na ihatid yun sa ilog malapit sa madalas naming puntahan sa bukid. Reunion kasi ng batch ng tatay nya noong high school. Tinamad sumama ang nanay nya at lahat silang magkakapatid naman ay nasa eskwelahan kaya nagtungo na lang mag isa ang kanyang ama. Alas kwatro y medya na nang oras na yun at sa tantya namin ay aabutin kami ng dilim kung maglalakad kami. Pero mahilig naman kami sa mga ganong lakaran eh. Kaya napagpasyahan na rin namin na maglakad papunta doon. Palubog na ang araw pero nangangalahati pa lang ang aming nararating papunta sa lokasyon kung saan nagbalak na magpicnic at night swimming na rin ang kanyang ama at mga kaklase nito upang idaos lamang ang reunion nila kahit simpleng paraan man lamang. Minsan lang naman ito makalipas ang ilang taon. Palibhasa ay bukid, ang daan papunta doon ay di pa kalsada noong panahon na yun at napakadalang ng sasakyan. Tricycle lang ang nasasakyan ng mga tao dun pero iilan lang ang bumibiyahe. Nakarating kami sa isang lugar na kinakatakutan ng lahat ng nagdaraan sa lugar na yon. Isang tulay kung saan madalas ang aksidente dahil daw sa may nagpapakitang white lady dito at madalas daw ito magpakita sa mga nabyahe o naglalakad na mag isa kapag madilim na. Sa ilalim ng tulay ay isang sapa na may mga matataas na puno ng kawayan sa gilid. Mga langitngit ng mga ito ang tanging maririnig sa katahimikan ng gabi at tanging liwanag na lamang ng buwan ang siyang nagbibigay ng kaunting liwanag sa dinadaanan namin. Alas Sais pasado na ng gabi at napakalayo pa ng mga kabahayan sa kinaroroonan namin. Palampas na kami sa tulay nang biglang umihip ng malakas ang hangin kasabay ng malakas na langitngit ng mga kawayan. Ingay na wari'y halakhak ng mga lamanglupa na nakakatakot ang mga hitsura ang unang pumasok sa aking isipan. Nabalutan ako ng labis na takot. Di namin maaninagan ng mabuti ang isa't isa. Nagpatuloy lang kami sa paglalakad. May naaninagan ako sa daan na parang makintab na bagay na gawa sa metal. Naisip ko na malaking piso. Naibibili pa yun nang panahon na yon. Pansamantalang nawala sa isip ko ang takot dahil dun. Pero di ito nagtagal. Nang pupulutin ko na yung piso ay parang may biglang dumamping malamig na kamay sa aking balikat. Napatakbo ako ng mabilis sa sobrang takot dala ng pagkagulat. Ni hindi ko na nagawang pulutin pa ang piso. Mga ilang metro pa lang ang nailalayo ko nang bigla kong maalala ang aking kasama na parang nawala sa likod ko na kani-kanina lamang ay nakita kong kasunod ko lang na tumatakbo. Pilit kong nilabanan ang takot at saglit akong huminto upang tignan kung ano ang nangyari sa kanya. Kitang kita ko si Tatuy na nasa di kalayuan. Waring di makagalaw sa labis na takot. Maya maya lang ng konti ay lumitaw sa harapan nya ang babaeng nakaputi. Agad akong kumaripas ng takbo. Di ko na nakita ang mga sumunod pang pangyayari. Ni hindi ko na man lang naisipang lumingon sa likod ko upang tignan ang nangyari sa kasama ko. Naisip ko na anumang mangyari sa kanya ay wala na akong magagawa. Tanging nasa isip ko na lamang ay makauwi at maikwento ang nangyari sa amin nang gabing yon. Kung saan saang direksyon na lang ako napadpad. Wala na akong pakialam kung saan man ako makarating. Ang tanging mahalaga na lang sa akin ay makalayo ako sa lugar na yun. Umaasang may makikitang liwanag man lang ng bahay o taong makakasalubong sa daan upang mahingan ng tulong. Titignan ko sana ang oras pero naiwala ko na pala ang wrist watch ko. Marahil ay sumabit sa kung saan sa pagtakbo ko at napigtal. Palibhasa bata, kung anu anong ideya ang pumasok sa isip ko. Nakakita ako ng isang puno na sa wari ko ay madali ko lang maaakyat. Naisip ko na wala pa akong nakikitang multo na umakyat sa itaas ng puno sa mga pelikula. Marahil ay di nila kayang umakyat sa mga ito. Kaya di na ako nagdalawang isip pa. Inakyat ko ang punong yon na parang pusa sa bilis. Di nagtagal at nakarating ako sa mataas na parte nito at tumigil sa isang malaking sanga na sapat na ang lapad para makapagpahinga ako na bukod sa komportable, tanaw ko pa ang buong paligid ng puno kaya malalaman ko kaagad sakaling magpakita ang inaakala kong sumusunod sa akin. Di ko na maalala kung saang direksyon ako nanggaling. Parang pare-pareho lang ang anyo ng paligid saan mang sulok ako lumingon. Bagama't medyo madilim, sa tulong ng liwanag ng buwan ay di naging hadlang ang kadiliman para maaninag ko ang mga puno ng niyog sa paligid ng kinaroroonan ko hanggang sa pinakamalayong lugar na abot ng aking tanaw. Pansamantalangg naging tahimik ang paligid. Walang maririnig na ingay bukod sa huni ng kwago at pagaspas ng mga dahon ng mga puno dala ng malakas na pabugso bugsong ihip ng hangin. Bigla akong nakaramdam ng labis na panlalamig ng katawan. Dahilan ito para magtindigan ang mga buhok ko sa braso at batok. Nagpalingon lingon ako sa paligid. Parang may naaninag akong nakaputi sa aking gilid ko at sa wari ko'y kanina pa nagmamasid... Naghihintay ng magandang pagkakataon upang ako'y saktan o gawan ng kung anong di kanais-nais. Mabilis akong kumilos.. Gumapang ako palayo habang unti-unting lumilingon sa direksyon ng nakaputing yun. Parang naaaninagan ko na sya ng maayos nang marinig ko ang paglagitik ng sangang tinutuntungan ko. Narating ko na pala ang dulo. Huli na para makakapit ako sa kahit ano upang di ako mahulog. Nalaglag ako kasabay ng naputol na sanga at tumama ang ulo ko dito pagbagsak ko sa lupa. Nawalan na ako ng malay. Nagising ako as malakas na pagtampal ni Tatuy sa pisngi ko. "Wuy! Ayos ka lang ba? Kagabi pa ako nag aalala sa iyo." Wika ni Tatuy. Umaga na pala.. Nagpalinga linga ako. Ang dami ng tao na nakapalibot sa akin. Naalala ko bigla ang mga nangyari nung nakaraang gabi. Muli akong nahintakutan kasabay ng ilang palaisipan.. Bakit nandito si tatuy? Anong nangyari sa kanya kagabi? Napatingin ako sa itaas na pinagkahulugan ko. May nakita akong sako na kulay puti. Doon ko napagtanto ang tunay na nangyari. Puno pala ng langka ang naakyat kong puno at hitik ito sa bunga. Lahat ng malalaking bunga nito ay nakabalot sa sako upang di magkasugat o kainin ng mga hayop at insekto sakaling ang mga ito man ay magkasugat. Iba-iba ang kulay ng mga sako. Nagkataon lang na puti ang nasa sanga na naakyatan ko. Di ko ito napansin nang umakyat ako dahil sa pagmamadali at nakaharang ang katawan ng puno. Bukod dun, wala akong ibang pinagtuunan ng pansin kundi ang pinanggalingan kong direksyon. Dala na rin siguro ng pagkalito. Pero isa pa ring palaisipan sa akin ang nangyari kay Tatuy. Kasama na nya ang tatay nya at may sinasabi sa akin pero para akong bingi sa mga naririnig ko. Sa di kalayuan ay may napansin naman akong sampayan na may nakasampay na kumot. Agad na may nabuong ideya sa isip ko. Yun marahil ang nakita kong inakala kong babaeng nakaputi na humarang sa pagitan namin ni Tatuy nung gabi. Pero bakit di man lang sya tumakbo? Tinulungan na ako ng mag ama na makatayo at isinabay na ako sa paguwi. Sa daan, naikwento ni Tatuy sa akin ang mga nangyari. Ang bilis daw namin maglakad nung gabi. Takot na takot kasi ako sa lugar na yun kaya gusto ko sana na makalampas kami kaagad. Sabi ni Tatuy, kamay daw nya yung humawak sa balikat ko nang pupulutin ko yung piso. Pipigilan daw nya kasi sana ako kasi naaninagan nya na parang nasa dumi ng kalabaw yung piso. At kaya malamig ang kamay nya ay dahil pasmado sya at tagaktak na rin ang pawis nya dala nga ng pagmamadali namin sa paglalakad na sinabayan pa ng lamig ng klima sa gabi. Nang tumakbo daw ako, napatakbo na rin daw sya. Di na nya nagawang magtanong pa kung bakit ako biglang tumakbo. Kinapitan na din daw kasi sya ng takot. Napatigil sya nang may mapansin syang isang maliit na dampa ilang metro lang ang layo mula sa kinaroroonan ng nakita ko kaninang sampayan. Tumigil sya para sabihan sana ako. Pero napaisip sya kung ano ba ang tinatakbuhan namin. Sisigaw na sana daw sya para pigilan ako nang biglang umihip ng malakas ang hangin at humarang sa harapan nya yung nakasampay na puting kumot. May mga sinabi pa rin daw sya na di na lang nya maalala. Nataranta na sya. Di ko naman narinig ang mga yun na marahil ay dahil naging bingi na ako sa ingay ng bawat mabigat na yabag ng aking mga paa sa pagtakbo. Nagpatuloy na lang ako na di ko namalayan na nagtutumakbo lang pala ako nang mga oras na yun na halos paikot ikot lang malapit sa paligid ng kinaroroonan ng sampayan kaya di ako masyadong nakalayo. Minabuti na lang ni Tatuy na tumawag sa nakatira sa dampa upang humingi ng tulong. Ilang oras din daw silang naghanap sa akin. Sigaw daw sila ng sigaw pero di ako sumasagot kaya minabuti na lang daw nilang puntahan ang tatay nya upang magpatulong na din dito at sa mga kasama nito sa paghahanap. Dahil medyo malayo pa ang lugar na kinaroroonan nila at walang masasakyan kaya walang ibang paraan para makarating doon kundi maglakad kaya inumaga na sila sa pagbalik sa lugar kung saan ako huling nakita. At ito ang kabuuan ng mga pangyayari ng gabing iyon na hinding hindi ko makakalimutan. Alam kong wala naman kayong napulot na aral sa kwento kong ito dahil wala naman talagang mapupulot. Wala akong pakialam. Ang mahalaga ay naibahagi ko ang maikling kwento ng isang gabi sa aking kabataan na punung puno ng katatakutan... at katangahan..


 
 
 

Comments


Featured Posts
Recent Posts
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Classic
  • Twitter Classic
  • Google Classic

FOLLOW ME

  • Facebook Classic

© 2015 by Manuel Capistrano. Proudly created with Wix.com

bottom of page